Masayang-masaya ang apat na taong gulang na si Asher habang suot niya ang paborito niyang damit. Hugis ulo ng buwaya ang talukbong ng damit na iyon. Kung kaya’t para bang kinain ng buwaya ang ulo niya. Nagulat ang nanay niya sa kanyang suot. Nais sana ng nanay niya na maging maganda ang tingin sa kanila ng bibisitahin nilang pamilya. Kaya, sinabi nito kay Asher, “Parang hindi naman bagay sa pupuntahan nating okasyon ang suot mo.” Pero masaya namang sinabi ni Asher, “Ayos lang po ito!” Para kay Asher, masaya lang dapat ang buhay.

Ipinapakita ng masayahing si Asher ang katotohanan na sinabi ni Haring Solomon sa Aklat ng Mangangaral: “Walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay” (3:12 ASD). Nagtanong pa si Solomon, “Ano ngayon ang kabuluhan ng pagsisikap ng tao?” (TAL. 9 ASD). Minsan, parang nakakapanlumong basahin ang aklat ng Mangangaral. Halos ang nais nitong iparating sa mambabasa ay walang kabuluhan ang lahat dito sa mundo. Madalas itong hindi maintindihan dahil pananaw lang daw ito ng tao at hindi ng Dios. Pero may pag-asa ring hatid ang aklat na ito. “Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na ito’y regalo Niya sa atin” (TALATANG 13 ASD).

Nagbibigay ang Dios ng mga bagay na nagpapasaya sa atin. At lahat ng ginagawa Niya ay “magpapatuloy magpakailanman” (TAL. 14 ASD). Habang nagtitiwala at sumusunod tayo sa Dios, bibigyan Niya tayo ng isang buhay na makahulugan, may layunin at puno ng kagalakan.