Nais ni Sue na lalong gumanda ang relasyon niya sa Dios at maging mapagpasalamat. Kaya, nagsusulat siya sa isang pirasong papel ng isang maipagpapasalamat sa Dios at inilalagay niya ito sa isang garapon. May mga panahon na marami siyang naipagpapasalamat sa buong araw pero may mga araw din naman na parang wala siyang makitang dahilan para pasalamatan ang Dios. Sa pagtatapos ng taon, muli niyang binabasa ang lahat ng kanyang mga isinulat. Naalala niya ang kanyang mga ipinagpasalamat noon tulad nang makita niya ang kagandahan ng paglubog ng araw, ang pagtulong ng Dios para maayos niya ang isang mahirap na sitwasyon at ang pagsagot ng Dios sa kanyang mga idinalangin. Pinasalamatan niyang muli ang Dios sa mga pangyayaring iyon.

Sa pagiging mapagpasalamat ni Sue, naalala ko ang mga naranasan ni David na isa sa mga sumulat ng Mga Awit sa Biblia (AWIT 23). Pinanunumbalik ng Dios ang lakas ni David. Ginagabayan din siya ng Dios, iniingatan at pinalalakas ang loob (TALATANG 2-4). Kaya buong pagtitiwala na may pagpapasalamat na sinabi ni David, “Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan [ng Dios] ay sasaakin habang ako’y nabubuhay” (TALATANG 6).

Magandang gayahin ang ginawa ni Sue ng paglalagay sa isang garapon ng mga maipagpapasalamat sa Dios ngayong taon. Alam ko na kung gagawin natin ito ay marami tayong makikitang maipagpapasalamat sa Dios. Pasalamatan natin ang Dios sa pagbibigay Niya sa atin ng ating pamilya, kaibigan, kakayahang makapaglingkod sa Kanya at sa pagdamay Niya sa atin sa panahon ng pagsubok. Tiyak na mararanasan natin ang kabutihan at lubos na pagmamahal ng Dios sa atin habang tayo’y nabubuhay.