Noong bago pa lang ako sa aking trabaho, may nag-alok sa akin ng ibang trabaho na mataas ang suweldo. Makikinabang nang malaki ang pamilya ko kapag tinanggap ko iyon pero hindi naman ako naghahanap ng ibang trabaho. Gusto ko ang aking trabaho dahil napaglilingkuran ko ang Panginoon sa pamamagitan nito. Kahit ganoon, pinag-iisipan ko pa din ang malaking susuwelduhin.

Tinawagan ko sa telepono ang aking ama na mahigit 70 na at sinabi ko sa kanya ang sitwasyon. Kahit hindi na matalas ang isip ng aking ama at ilang beses nang nastroke, maliwanag ang sagot niya: “Huwag mong isipin ang pera. Ang isipin mo ay kung ano ang gagawin mo.” Sa sinabing iyon ng aking ama ay nakapagpasya ako agad. Hindi pera ang magiging dahilan para iwan ko ang trabahong minamahal ko. Salamat sa aking ama.

Itinuro ni Jesus na hingin natin sa Dios kung ano ang kailangan natin sa bawat araw (Mateo 6:11). Binalaan Niya tayo na huwag mag-impok ng kayamanan dito sa lupa. Binanggit din Niya ang mga ibon at mga bulaklak bilang katibayan na nagmamalasakit ang Dios sa mga nilikha Niya (talatang 19-31). Sinabi ni Jesus, “Unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa Kanyang kalooban at ibibigay Niya ang lahat ng pangangailangan ninyo” (talatang 33.

Mahalaga ang pera. Pero hindi dapat ito ang manaig sa pagdedesisyon natin. Ang mga mahihirap na sitwasyon at mga pagpapasyang dapat gawin ay mga pagkakataon para tumatag ang ating pananampalataya. Nagmamalasakit ang Dios Ama sa atin.